SUGAT NG SIGLO

Sakit ng dantaon. Isang karamdamang

Nakapandidiri't dapat pangilagan!

Namamagang sugat ng sangkatauhang

Ewan ko kung bakit hindi malunasan

Ang pamamayani't pananamplasan

Sa Hilaga, Timog, Silanga't Kanluran.

 

Sakit ng tahanan. Ang magkakapiling

Sa kapayapaa'y tuwang ligaligin;

Ang pag-iibiga'y winasak na tabing

At nilapastangan ang nabuksang lihim!

Pati ng luhuran sa pananalangi'y

Nilasag ng dahas at kawalang -turing!

 

Sakit ng katawan. Ang nagsipagdusa

Ay di na mabilang. (Daming naulila!)

Kanser ng panahong dapat makilala

Na saanmang dako'y isang epidemya!

Salot na patuloy kahit binabaka

At ang buong lupa ay halos mahawa.

 

Sakit ng isipan. Ang matinong-ulo

Ay natatabsingan ng diwang-diyablo!

Sa pagmamatuwid niya'y halata mo!

Dila'y naging karit! Bisig, naging maso!

Ang magandang anyo ng likas na tao

Ay naging panakot na awtomatomo!

 

Sakit ng kalul'wa. Nang ito'y dumapo,

Nawala ang giting, dangal, katutubo;

Tumalikod na ri't yumaong malayo

At ang pinagmulang Bukal ay nilabo!

Buting natutuha'y minasa-turo,

At ang minabuti'y baluktot na kuro.

 

Gaya rin ng ibang mga karamdaman,

May mikrobyo ito - ang kabulaanan!

Mabilis kumapal sa mga lipunan

Ng mangmang, ng dukha't walang kasiyahan!

Ng walang pag-ibig sa sariling bayan,

Walang malsakit sa sangkatauhan

Ang sakit na ito'y madaling masuri,

May palatandaang iba't ibang uri -

Pagbangon laban (daw) sa ibig maghari,

Pag-aklas ng bisig na api (kunwari);

Pagdanak ng dugo na ang pasubali

Ay pagpapalaya sa aliping-lahi.

 

Dito ang madaling mahawa't madawit

Ay ang mga hindi matatag na isip,

Saka ang palalo na ana pananalig

Ay wala sa kurus kundi nasa bisig!

Timbanga'y iniwa't yumakap sa karit

Hanggang sa maguho ang pangakong langit.

 

Busbusin mang kanser at ito'y masapa,

May iiwang pilat ng pagkariwara -

Gutom, pananalig, kawalang-tiwala,

At nalasong tapat na paniniwala!

 

Ano kaya ngayon ang lunas na dapat

Sa salot na itong lala na't laganap?

Salaping panapal? Talim na matalas

Na ipambubusbos sa bulok nang sugat?

(O Bukal ng Laya, tubig mo'y ihugas

sa sugat ng siglo na wala nang lunas!)

 

HOME

BACK