SA PAGPAPAROOL

 

Ni

RUBEN VEGA

      1. Ang Sumpa:
      2. Malalangoy ko ba

        Ang naglulumiyad na dagat ng lumbay?

        Mararating ko ba

        Sa dapok na Pakpak ang malayong pampang…

        Sa lumalagunlong

        Kalampag ng alon sa budhi kong bingaw,

        Ako'y naniwalang

        Sa pagkaparool ang tao'y nilalang!

         

        Dami ng Panata

        Na naging Hinakdal sa dibdib kong durog!

        Dami ng rosaryong

        Nagkabuhul-buhul sa sama-ng-loob!

        Subali't ang Langit

        Sa kalulunura'y hindi ko maabot!

        Sa paninimbulan

        Sa aking Sarili'y lalong napalubog!

         

      3. Sa Buntot ng Buhay
      4. Dati-rati ako'y

        Bulaklak ng Agos ng isang Kahapong

        Batbat ng pangarap

        Sa kristal na ilog ng payapang nayon!

        Dati-rati ako'y

        Kumakantang Bukal sa kunday ng Alon

        At putting Kilapsaw

        Ng Langit sa batis ng dakilang layon…

        Subali't nang biglang

        Nabasag na Bula ang kawalang-malay,

        Napigtal na Ganda

        Ang Kamusmusan ko sa kaluwalhatian!

        Naging Bitling ako

        Sa mahabang kawil ng Sangkatauhan

        Ang pagkakasala'y

        Nagpalag na Sumpa sa buntot ng Buhay!

      5. Nagalit Sa Diyos
      6. Ang Kabathalaan,

        Sa kaanyuan ko'y pusong nilapurit…

        Saka ipinukol

        Sa Mukha ng Diyos ang sariling putik!

        Ang karupukan kong

        Alabok sa yapak ng paang marungis

        Ibig kong kanya ring

        Kilanling larawang kaputol ng Langit!

         

        Sumulak sa imbing

        Damdamin ko'y bagsik ng dugo ni Kain:

        Sumisiklab ang poot

        Sa pagkapingas ko sa naglahong Aliw!

        At rumaragasang

        Bawa't maraana'y lipaypay sa Dilim…

        Hanggang sa ibagsak

        Sa kanyang Prdestal ang sanlaksang Lagim!

         

      7. Hinagdan Ko'y Bungo:
      8. Nagbanlaw sa bukal

        Ng luha ng pusong windang sa pagliyag -

        Ang Tukang sa Dugo

        Ng mga inapi'y sumuso ng Lakas!

        Ang ginto't talino

        Sa Bundok ng Diyos ay aking binakbak…

        At sadyang binuksan

        Ang tiyan ng lupang itlugan ng Uwak!

         

        Sa Kabuhungan ko'y

        Nagbunton ang bungong aking hinahagdan

        At ang bawa't ulong

        Nagyuko sa aki'y siyang nagpapasan…!

        Nguni't nang magsukdol

        Ang kabaliwan kong pantaya'y Maykapal,

        Nagkagiba-gibang

        Kastilyong Baraha ang pananagumpay!

         

      9. Hiwagang Di-Matuturol!

At aking nakitang

Bumukang kabaong ang luksang magdamag

Na kala-kaladkad

Sa guhong buhangin ang sira kong pakpak:

Itong pagkataong

Akala'y Bathala sa tayog ng lipad

Ang kapantay pala'y

Bakas ng yapak ko sa lusak ng landas…!

Sa kinaanurang

Lawak ng Hiwagang hindi ko maturol:

Lumubug-lumutang

Itong kapalaran sa pagpaparool…

Ang Sangkatauhan

Ay nagdurumapang along nananaghoy

Sa pag-aagawang

Walating timbulan ang aking ataul…!

 

HOME

NEXT ( SUGAT NG SIGLO )

BACK