ALAMAT NG PASIG

ni

FERNANDO 'BATUBALANI' MONLEON

Pagbubukas

O DIWATA!

Minarapat ng makatang sa pagbubukas ay suyu-suyuin pa muna ang bathaluman ng kanyang mga tulain at pangarap! Sa muling paghawak niya ng panulat ay nagbalik siya sa kanyang unang kasintahan - ang dating musa ng kanyang salamisim. Anupa't inihahalintulad niya ang diwata ng kanyang dinsulan sa paralumang dinatnang lumuluha sa pangungilila at nagdurugo ang puso sa paghihinampo at paninibugho. At palibhasa'y sintang prinsibining datnang- panawan mandin sa matapat na pag-ibig, sa lagalag na makata ay minsan pang marahuyo itong sumamang mamangka sa pananakaling mapanumbalik minsan pa ang mga gunitang nang magkagayon na nga'y nagsilbing isang makasaysayang ALAMAT NG PASIG.

i

Bakin hahambalin ang ating pagsuyo?

Buhat niring buhay,

Bakin hahamakin ang sumpa't pangako?

Magtanim ng lumbay - hindi biru-biro,

Dapat na malamang

Tanging aanihin: siphayo! Siphayo!

ii

Halinang maglakbay, giliw ko'y halina,

Tayo na sa laot,

Kata'y magliwaliw sa tuwa't ligaya;

Sa lunday kong munti, halika't sumama,

Pagmasdan mo, irog,

Hayun, naghihintay mula pa kangina…

iii

Ako ang gagaod, ikaw ang aawit,

Mutyang prinsibini,

Sasaliwan tayo ng kalawkaw-tubig;

Sasaksi sa ati'y ang nunungong langit,

Habang ang pagkasi -

Nag-aaliw-aliw sa tinamong sakit!

iv

Hinampo kahapon ay iyong limutin,

ang bulong ng dusa,

Hayaang ibuyog ng amihang hangin;

Buksi ang dibdib mo, wal-in ang damdamin.

Ngumiti na sana,

Ipinid ang puso sa dilang hilahil!

v

Hala na mahal ko…ang luha mong bubog

Huwag mong sayangin,

Huwag mong hayaang sa lupa'y madurog;

Sadyang ang pagsinta'y liku-likong ilog,

Ang masisindakin,

Masasawan agad sa matuling agos!

vi

Di ngani miminsang pulpol na panulat,

Sa kaligayaha'y

Kumita ng isang balighong liwanag;

Di anong gagawin? Sa pagkawakawak,

Sintang bathaluman,

Nahihiya ako'y ikaw rin ang hanap!

vii

Paanong di gayon… ikaw ang dinsulan

Niring salamin

Na sa kariktan mo'y namamaraluman;

Iyang hinanakit, kundi mapaparam,

Sa pagkahilahil,

Mahanga pa yata ang ako'y pumanaw!

viii

Kaya't panimdim mo'y tulttang mapawi,

Sa bahagyang hapis,

Isang kabaliwang magpakalugami…

Ang katotohanan ay sadyang lalagi,

Saanman sumapit,

Tanging ikaw lamang yaring luwalhati!

ix

Sa kasakdalan mang ang sinta'y magbago,

Kahit sa pangarap,

Bukal na pagsuyo'y hindi maglililo…

Kung kita'y limutin, buhay ko'y paano?

Kung kapos ng palad,

Kamataya'y langit - na makalilibo!

x

Pahiin na ngani sa nihintang diwa

Ang sukal ng puso,

Ang lagim ng dusang lason sa pthaya;

Sa aking pagyao'y saka na lumuha,

Ulilang pagsuyo -

Maghapon-magdamag na magpakasawa!

xi

Habang naglalakbay ang ating pagkasi,

Sa kalipsaw-alon,

Wariin mo, hirang, ang aking sinabi:

Iyang panigbugho - limit na mangyari -

Saanman iukol…

Mabuting-masama, masamang-mabuti.

xii

Kita ay dadalhin sa Taal na Bayan,

Hayun lang sa dulo…

Isang munting pulo sa Bombon, Batangan;

At magmula roon ay pasisilangan,

Tayo'y magtutungo

Sa bayan ng Pasig, sa Gulod-Sumilang.

xiii

Doo'y may alamat ang isang kahapong

sa aklat ng lahi'y

Lipos ng pag-ibig, togib ng linggatong;

Sa dalampasigan, sa damong nagyabong,

Tayo'y manakali't

Pagal na gunita'y muling magbabangon.

xiv

 

Kahi't ns maunos at tantong maulap...

Kulimlim sa lupa...

Bahagya man sana'y huwag mabagabag;

Kapiling mo ako... Kaya, pumanatag,

Mahal kong diwata,

Masawi-mabuhay, kata'y magkayakap!

Home

Next ( ITO ANG ATING PANAHON )

Back