ITO ANG ATING PANAHON
Ni
BIENVENIDO A. RAMOS
ITO ANG ATING PANAHON
Ito ang panahon ng ating pag-ibig:
may putong ang hangal, maypilak ang tuso, ang buti'y
may dungis,
Nakaambang tabak ang hugis-kabuteng natipong panganib,
At nag-aagawan ang Agila't Oso sa sandipang langit;
Ito ang panahong susubok sa ating batang pananalig,
Na ang pagkagapi sa dahas ng hamo'y di dapat itangis!
Ito ang panahong hinihintay
Na papaling apoy sa dupok ng ating batang pagmamahal;
Ang salin ng lahing pangarap sa bukas ay larawang buhay
Sa salaming-ngayon: mga batang tupang naligaw ng daan.
Malasin mo, giliw, ang sibol ng ating tahim na pag-asam:
Nangagyukong pusok sa nunudyong sinag ng bukang liwayway!
Ito ang panahong dapat kang magalak,
Masasaksihan mo kung pa'no malagas ang mga bulaklak;
Huwag pagpikitan ang mamamalas mong dinagit ng uwak
Na sisiw na yaong ang ina ng unang nalihis ng landas!
Ang maririnig mong tagis ng kopita't pagaw na halakhak
Ay mga hinaing ng di-mag-umagang hapo nang magdamag!
Ito ang panahong inaasam natin -
Panahong ang gilas ng kapalalua'y gagambang nagbitin
Sa bahay-lipunang marilag sa labas ay puno ng agiw
Ang loob na lungga ng dagang dumaong sa mgga baybayin
Upang maging batas ang labis na tuwa't labis na hilahil
Ng sukdulang-bahay na di-mapagtagpong dalawang landasin!
Nguni. Kahit ganyan ang tanawin, mutya,
Sa ating paligid - sa gubat ng lungsod- sa palasyo't dampa,
Sa ating suyuan ay hindi ka dapat na magtalusira
Pagka't nabakla ka sa nakikita mong darating na luksa;
Higit na dirilag ang Buhay sa atin sa mga sakuna,
At lilikha tayo ng ating panahong hindi madurusta.